Sulyap, Titig...Sana
By: Ciel Del Mundo
hinihintay-hintay, inaasam-asam
nililinga-linga ang bawat magdaan
kunwa'y nag-iisip habang nag-aabang
pakwento-kwento nang walang katuturan
minsa'y pangisi-ngisi, patayu-tayo
hihinga ng malalim, paubo-ubo
titingin sa malayo, mapapanguso
nakakainip, ayoko ng ganito
biglang mapapalunok, mapapanganga
magkukunwari, tila walang nakita
lilingon sa iba, pangiti-ngiti na
"and'yan na pala s'ya".
tatahitahimik na, magseseryoso
kulang sa salita, oo lang nang oo
tatango-tango, matipid na sa kwento
ayaw magbiro, akala mo'y totoo
walang kakurapkurap, nakikiramdam
kakabakaba, puno ng agam-agam
namumula-mula, parang nilalanggam
lihim ang paghanga, pasulyap-sulyap lang
ingat na ingat, ayaw magpahalata
iniiwas-iwasan mata'y magtama
sa pagtingin-tingin biglang natulala
"ay! nahuli yata".
bumaling sa katabi, tumawa-tawa
bumulong-bulong, nakipagtsika-tsika
maya-maya'y yumuko, kumanta-kanta
kunwa'y walang nangyari, patay-malisya
muling sumulyap, ulo'y umikot-ikot
'di inaasahang mata'y mag-aabot
titig na titig pa, sadyang nakalimot
kinilig-kilig na, hanggang sa manlabot
kagat-kagat ang labi ng matauhan
hiyang-hiya, putlang-putla, naiilang
pigil na pigil ang tuwang nararamdaman
"haaay...nagkatitigan."
No comments:
Post a Comment